Saturday, April 30, 2011

NEWS5 Will Go To The Vatican To Cover Pope John Paul II Beatification


Mula mismo sa Vatican City, kaisa ang NEWS5 sa paghahatid ng mga kaganapan sa beatification ni Pope John Paul II o ang proseso tungo sa paggagawad ng paka-santo sa isang indibidwal na napatunayang nagdulot ng himala. Sa misang gaganapin sa Holy See sa Mayo 1, hihirangin ang Santo Papang pinakaminahal ng buong mundo bilang 'Blessed Pope John Paul II' matapos ideklara ni Pope Benedict XVI na isang milagro ang paggaling ng isang madreng Pranses mula sa sakit na Parkinson's.

Naatasan ang batikang reporter ng NEWS5 na si Joey Villarama upang mag-ulat ng mga pangyayari mula sa Vatican. Tinatayang daan-daang libong debotong Katoliko ang sasaksi sa beatification anim na taon makaraang mamaalam ang Santo Papa noong Abril 2, 2005.

Ihahatid ng NEWS5 sa pamamagitan ng Aksyon TV Channel 41 ang misang pangungunahan ni Pope Benedict XVI sa Mayo a-Uno mula alas-kwatro ng hapon hanggang alas-sais y medya ng gabi oras dito sa Pilipinas.

Patuloy na minamahal ng mga Pilipino ang namayapang Santo Papa dahil sa ipinamalas nitong pagkalinga sa mga Asyano partikular na sa mga Pilipino. Dalawang beses na bumisita ang Santo Papa sa Pilipinas - noong 1981 at noong 1995 kung saan ipinagdiwang dito ang World Youth Day na dinaluhan ng mahigit pitong milyong Katoliko. Dahil sa umaapaw na suporta ng mga Pilipino sa Santo Papa, ang Catholic festival na ito ang itinuturing na pinakamalaking pagtitipon sa kasaysayan ng Kristyanismo.

Mag-uulat naman sa lahat ng newscast ng TV5 at Aksyon TV Channel 41 si Joey Villarama para personal na ikwento ang mga pangyayari sa beatification.

Antabayanan ang daan tungo sa pagka-santo ni Pope John Paul II sa NEWS5.

- TV5 Press Statement

No comments:

Post a Comment

Mildred Patricia Baena